Ang Pahayag kay Juan
Pahayag 1: 1-20
1 Ito ang pahayag na ibinigay ng Diyos kay Jesu-Cristo, at sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo, kanya namang inihayag kay Juan na alipin niya. Ang layunin ng paghahayag na ito'y ipabatid sa mga alipin ng Diyos ang mga bagay na malapit nang maganap. 2 Ito ang patotoo ni Juan sa lahat ng nakita niya tungkol sa mensahe ng Diyos na ipinahayag naman ni Jesu-Cristo. 3Mapalad ang bumabasa ng aklat na ito, ang mga nakikinig sa propesiya nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat malapit na itong maganap.
Pagbati sa Pitong Iglesya
4 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia.
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating. Ito'y mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono, 5 at mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay at pinuno ng mga hari sa lupa.
Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya a niya tayo sa ating mga kasalanan. 6 Ginawa niya tayong isang lahi ng mga pari na naglilingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
7 Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga sumibat sa kanyang tagiliran; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Ganoon nga ang mangyayari. Amen!
8 "Ako ang Alpha at ang Omega," b sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat; Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.
Isang Pangitain Tungkol kay Cristo
9 Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos sapagkat ipinahayag ko ang salita ng Diyos at ang katotohanang inihayag ni Jesus. 10Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. 11 Sabi niya, "Isulat mo ang iyong nakita, at ipadala mo sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea."
12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. 13 Nakatayo sa gitna ng mga ilawan ang isang parang Anak ng Tao na nakadamit ng hanggang sakong, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. 15Kumikinang ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumalabas sa kanyang bibig ang isang matalim na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang matinding sikat ng araw.
17 Pagkakita ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, "Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, 18 at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay. 19 Kaya't isulat mo ang iyong nakita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. 20 Ito ang kahulugan ng pitong ilawang ginto at ng pitong bituing hawak ko. Ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya at ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya.
Pahayag 2: 1-29
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Efeso
1 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso:
"Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. 2 Nalalaman ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapakahirap at pagtitiyaga. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasama. Sinubok mo ang mga huwad na apostol, at napatunayan mong sila'y nagsisinungaling. 3 Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. 4 Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: ang pag-ibig mo noong una kang sumampalataya ay nanlalamig na. 5 Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. 6 Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita.
7 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
"Ibibigay ko sa magtatagumpay ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay na nasa paraiso ng Diyos."
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Esmirna
8 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:
"Ito ang ipinapasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. 9Nalalaman ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga hindi tunay na Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magtitiis kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.
11 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
"Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng pangalawang kamatayan."
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Pergamo
12 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:
"Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13Nalalaman ko kung saan ka nakatira, sa lugar na pinaghaharian ni Satanas, ngunit nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa bayang tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit may hinanakit ako sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.
17 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
"Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon."
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Tiatira
18 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:
"Ito ang ipinapasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Nalalaman ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit ito ang masasabi ko laban sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga magkakasakit siya nang malubha, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin ko rin ang kanyang mga tagasunod upang malaman ng mga iglesya na ako ang nakakaalam sa puso't isip ng mga tao. Gagantimpalaan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.
24 "Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi nakinig sa masasamang katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na 'malalalim na lihim ni Satanas,' ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng pasanin, 25 ngunit dapat kayong manatiling tapat sa akin hanggang ako'y dumating. 26 Sa magtatagumpay at tutupad ng kalooban ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.
29 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!"
Pahayag 3: 1-22
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Sardis
1 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis:
"Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Nalalaman ko ang ginagawa mo; ipinapalagay kang buhay, ngunit ang totoo, ikaw ay patay. 2 Kaya't gumising ka! Pag-alabin mo ang mga katangiang nalalabi pa sa iyong buhay upang hindi ito tuluyang mamatay. Nakikita kong hindi pa ganap ang mga nagawa mo sa paningin ng aking Diyos. 3 Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating.
4 "Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na nag-ingat na mapanatiling malinis ang kanilang damit, kaya't kasabay ko silang maglalakad na nakasuot ng puti sapagkat sila'y karapat-dapat. 5 Ang magtatagumpay ay magdaramit ng puti, at hindi ko kailanman aalisin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
6 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!"
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Filadelfia
7 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:
"Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang buksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya. 8 Nalalaman ko ang mga ginagawa mo. Alam kong mahina ka ngunit sinusunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. 9 Tingnan mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. 10 Sapagkat nagtiyaga ka gaya ng iniuutos ko sa iyo, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! 11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo ang mga tagubilin ko sa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. 12 Ang magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Iuukit ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lunsod. Ito ang bagong Jerusalem na bababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Iuukit ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.
13 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!"
Ang Mensahe Para sa Iglesya sa Laodicea
14 "Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:
"Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang Matapat at Tunay na Saksi, at siyang Pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. 15 Nalalaman ko ang mga ginawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit man! Higit na mabuti kung ikaw ay malamig o mainit. 16 Ngunit dahil sa ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! 17 Sinasabi mo, 'Ako'y mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa,' ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, mahirap, bulag at hubad. 18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya mong kahubaran, at ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. 19 Sinasaway ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. 20 Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako sa kanyang tahanan at kakain kaming magkasalo. 21 Ang magtatagumpay ay uupong katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.
22 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!"
Pahayag 4: 1-11
Pananambahan sa Langit
1 Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukas na pinto.
At muli kong narinig ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, "Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito." 2 At agad akong napuspos ng kapangyarihan ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. 3 Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. 4Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong isang pinuno na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. 5 Mula sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.
Sa apat na panig ng trono ay may apat na buhay na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. 7 Ang unang buhay na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; kamukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. 8 Ang bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,
"Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang Diyos ng nakaraan, ng kasalukuyan, at siyang darating."
ang Diyos ng nakaraan, ng kasalukuyan, at siyang darating."
9 Tuwing umaawit ng papuri, parangal at pasasalamat ang apat na buhay na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, 10 ang dalawampu't apat na pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Iniaalay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11 "Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nilalang mo at pinapanatili."
Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nilalang mo at pinapanatili."
Pahayag 5: 1-14
Ang Kasulatan at ang Kordero
1 Nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatan na may sulat ang loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. 2 At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, "Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa kasulatan?" 3 Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa, na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon. 4 Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. 5 Ngunit sinabi sa akin ng isa sa mga pinuno, "Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David, ang siyang nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakarolyo."
6 Pagkatapos, nakita ko sa pagitan ng mga pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang ang isang Korderong nakatayo na parang pinatay na. Ito'y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong sanlibutan. 7 Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. 8 Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buhay na nilalang at ang dalawampu't apat na pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na puno ng insenso na siyang mga panalangin ng mga banal. 9 Inaawit nila ang isang bagong awit:
"Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatan
at sumira sa mga selyo niyon.
Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos,
mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
at sumira sa mga selyo niyon.
Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos,
mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
10 Ginawa mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga
upang maglingkod sa ating Diyos;
at sila'y maghahari sa lupa."
upang maglingkod sa ating Diyos;
at sila'y maghahari sa lupa."
11 Tumingin akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buhay na nilalang at sa mga pinuno. 12 Umaawit sila nang malakas,
"Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
parangal, papuri at paggalang!"
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
parangal, papuri at paggalang!"
13 At narinig kong umaawit ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,
"Ibigay sa nakaupo sa trono, at sa Kordero,
ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
magpakailanman!"
ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
magpakailanman!"
14 At sumagot ang apat na nilalang na buhay, "Amen!" At nagpatirapa ang mga pinuno at nagsisamba.
Pahayag 6: 1-17
Ang mga Selyo
1 Nakita kong inalis ng Kordero ang una sa pitong selyo, at narinig kong kasinglakas ng kulog na sinabi ng isa sa apat na buhay na nilalang, "Halika!" a 2 At nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop.
3 Inalis ng Kordero ang pangalawang selyo, at narinig kong sinabi ng pangalawang buhay na nilalang, "Halika!" 4 Isa namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Inalis ng Kordero ang pangatlong selyo, at narinig kong sinabi ng pangatlong buhay na nilalang, "Halika!" Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. 6 May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buhay na nilalang, na nagsabi, "Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sweldo sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!"
7 Inalis ng Kordero ang pang-apat na selyo, at narinig kong sinabi ng pang-apat na buhay na nilalang, "Halika!" 8 At ang nakita ko nama'y isang kabayong may maputlang kulay. Ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan, at kasunod niya ang daigdig ng mga patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop.
9 Inalis ng Kordero ang panlimang selyo, at nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa matapat na pagsaksi nila rito. 10 Ubos-lakas silang sumigaw, "O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Huwag na po ninyong patagalin ang paghatol at pagpaparusa sa mga taong pumatay sa amin." 11 Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kasamahan sa paglilingkod kay Cristo, na papatayin ding tulad nila.
12 At inalis ng Kordero ang pang-anim na selyo. Lumindol nang malakas, ang araw ay nangitim na parang damit na panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. 13 Nalaglag mula sa langit ang mga bituin, parang mga bubot na bunga ng igos kapag binabayo ng malakas na hangin. 14 Naglaho ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga pulo. 15 Nagtago sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. 16 At sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, "Tabunan ninyo kami para makubli kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at makaiwas sa poot ng Kordero! 17 Sapagkat dumating na ang malagim na araw ng pagbubuhos nila ng kanilang poot, at sino ang makakatagal?"
Pahayag 7: 1-17
Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel
1 Pagkatapos nito, may nakita naman akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag munang umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. 2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buhay. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, 3 "Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa natin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos." 4 At sinabi sa akin ang bilang ng mga tinatakan, 144,000 buhat sa labindalawang lipi ng Israel. 5-8 Labindalawang libo mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Reuben, Gad, Aser, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.
Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Sinasabi nila nang malakas, "Ang kaligtasan ay nagmumula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!" 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, gayundin ang mga pinuno, at ang apat na nilalang na buhay. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos. 12 Sinasabi nila, "Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at lakas magpakailanman! Amen."
13 Tinanong ako ng isa sa mga pinuno, "Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?"
14 "Ginoo, kayo po ang nakakaalam," ang sagot ko.
At sinabi niya sa akin, "Sila ang mga nagtagumpay sa gitna ng matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila'y gagabayan niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata."
Pahayag 8: 1-13
Ang Ikapitong Selyo
1 Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, naghari sa langit ang katahimikan sa loob ng halos kalahating oras. 2 Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila.
3 Dumating ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo naman sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kalakip ng dalangin ng mga hinirang ng Diyos. 4 Mula sa kamay ng anghel ay unti-unting tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kalakip ng dalangin ng mga hinirang ng Diyos. 5 Pagkatapos, ang anghel ay kumuha ng mga baga mula sa dambana, inilagay sa sunugan ng insenso at inihagis sa lupa, at biglang kumulog, nagkaingay, kumidlat at lumindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 At humanda ang pitong anghel upang hipan ang kanilang trumpeta.
7 Hinipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may kahalong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, 9 namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat.
10 Hinipan ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal.11 Ang bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito.
12 Hinipan ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag.
13 Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, "Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!"
Pahayag 9: 1-21
1 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay sa bituin ang susi ng banging napakalalim. 2 Binuksan ng bituin ang bangin at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. 3 May naglabasang mga balang mula sa usok at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kakayanang manakit, tulad ng pananakit ng mga alakdan. 4 Ipinagbilin sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. 5 Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. 6 Sa loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito.
7 Ang mga balang ay parang mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sila'y may putong na parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. 8 Parang buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. 9 Natatakpan ng mga baluting bakal ang kanilang dibdib, at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng mga karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. 10 Sila ay may buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan.11 Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa banging napakalalim. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, a at sa wikang Griego'y Apolion. b
12 Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pa ang darating.
13 Hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa anghel na may trumpeta, "Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates." 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taong ito. 16 Sinabi sa akin na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon. 17 At nakita ko sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang tatlong salot na pumatay sa ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay ang apoy, usok at asupre na nagmula sa kanilang bibig. 19 Ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at nasa kanilang mga buntot na parang ahas at may ulo na siyang ginagamit nila sa pananakit.
20 Ang natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.
Pahayag 10: 1-11
Ang Anghel at ang Maliit na Kasulatan
1 Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti. 2 May hawak siyang isang maliit na kasulatan na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa. 3 Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog. 4 Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, "Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!"
5 At itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay 6 at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ang lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, "Hindi na magtatagal! 7Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod."
8 Pagkatapos ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, "Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang kasulatan na nakabukas." 9 Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang kasulatan. Sinabi niya sa akin, "Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong panlasa'y kasingtamis ng pulot-pukyutan." 10 Inabot ko nga at kinain ang maliit na kasulatan. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura.
11 At sinabi nila sa akin, "Kailangang ipahayag mong muli ang mga ipinasasabi ng Diyos tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari."
Pahayag 11: 1-19
Ang Dalawang Saksi
1 Pagkatapos, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi, "Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. 2Ngunit huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Hindi nila igagalang ang Banal na Lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 3 Ipadadala ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng 1,260 araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos."
4 Ang mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa. 5 Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, magbubuga sila ng apoy at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang mga magtatangkang manakit sa kanila. 6 May kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila.
7 Pagkatapos nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa bangin at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, 8 at ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lunsod, na ang patalinhagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. 9 Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay panonoorin ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. 10 Magagalak ang lahat ng tao sa sanlibutan dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan.
11 Pagkalipas ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hangin ng Diyos na nagbibigay-buhay at sila'y tumayo, at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. 12 Pagkatapos ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, "Umakyat kayo rito!" At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. 13 Nang oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lunsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan.
14 Natapos na ang ikalawang lagim, at malapit na ring mangyari ang ikatlo.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 Hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at mula sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, "Ang paghahari sa sanlibutan ay inilipat na kay Cristo na ating Panginoon. Maghahari siya magpakailanman!"
16 At ang dalawampu't apat na matatandang nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. 17 Sinabi nila,
"Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng kasalukuyan, at ng nakaraan!
Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan
at nagpasimula ka nang maghari!
Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan
at nagpasimula ka nang maghari!
18 Nagngingitngit ang mga di-kumikilala sa iyo,
dahil dumating na ang panahon ng iyong poot,
ang paghatol sa mga patay,
at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo,
at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo,
dakila man o hamak.
Panahon na upang lipulin mo ang mga sumira sa sanlibutan."
dahil dumating na ang panahon ng iyong poot,
ang paghatol sa mga patay,
at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo,
at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo,
dakila man o hamak.
Panahon na upang lipulin mo ang mga sumira sa sanlibutan."
19 At nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog, narinig ang malalakas na ingay, lumindol, at umulan ng yelo.
Pahayag 12: 1-18
Ang Babae at ang Dragon
1 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan; isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan: ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. 2 Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.
3 Isa pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. 4 Kinaladkad ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. 5 Ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. 6 Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.
7 Pagkaraan nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit! Pinamunuan ni Miguel ang kanyang mga anghel sa pakikipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. 8 Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at pinalayas sila sa langit. 9 Itinapon ang dambuhalang dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.
10 At narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,
"Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat pinalayas na sa langit ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at ng kanilang pagsaksi sa katotohanan sapagkat hindi nila pinanghinayangan ang kanilang buhay. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya."
13 Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit ang babae ay binigyan ng mga pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya itatago sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. 15 Kaya't ang ahas ay nagbuga ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. 16 Subalit bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na ibinuga ng dragon, kaya't naligtas ang babae. 17 Sa galit ng dragon, binalingan niya ang nalalabing lahi ng babae upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa utos ng Diyos at nananatiling tapat sa katotohanang inihayag ni Jesus. 18At ang dragon ay tumayo a sa dalampasigan.
Pahayag 13: 1-18
Ang Dalawang Halimaw
1 Pagkatapos ay nakita kong umahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang a lumalait sa Diyos. 2 Ang halimaw ay parang leopardo, ngunit ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bunganga ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. 3 Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na halos ikamatay nito, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. 4 Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw. "Sino ang makakatulad sa halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?" sabi nila.
5 Pinahintulutang magyabang ang halimaw, manlait sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 6 Nilait nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. 7 Pinahintulutan din siyang salakayin at gapiin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. 8 Sasamba sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay magmula pa nang likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y iniingatan ng Korderong pinatay.
9 "Ang lahat ng may pandinig ay makinig! 10 Ang sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa digmaan ay sa digmaan nga mamamatay. Kaya't kailangang magpakatatag at maging tapat ang mga hinirang ng Diyos."
11 At nakita ko ang isa pang halimaw na lumitaw sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit ang kanyang tinig ay parang tinig ng dragon. 12Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nasugatan nang malubha ngunit gumaling na. 13 Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw, nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. 14 Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit muling gumaling. 15 Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng buhay ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. 17 At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas niyon. 18 Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay 666.
Pahayag 14: 1-20
Ang Awit ng mga Tinubos
1 Tumingin ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang 144,000 tao. Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. 2 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng mga alon sa dagat at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga alpa. 3 Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buhay at sa harap ng mga pinuno. Walang makaunawa sa awit na iyon kundi ang 144,000 na tinubos mula sa sanlibutan. 4 Ito ang mga lalaking nanatiling malinis at hindi nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga babae. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. 5 Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6 Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa kalawakan, dala ang walang katapusang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at bayan. 7 Sinabi niya nang malakas, "Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!"
8 Sumunod naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, "Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Pinainom niya ang lahat ng tao ng alak ng kanyang kahalayan!"
9 At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw nang malakas, "Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, 10 ay paiinumin ng Diyos ng alak ng kanyang poot na walang halong ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. 11 Ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay mag-aalab magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan."
12 Kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananampalataya kay Jesus.
13 At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, "Isulat mo, mula ngayon, mapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!" At sinabi ng Espiritu, "Totoo nga! Matatapos na ang kanilang paghihirap sapagkat ang kanilang ginawa ang magpapatunay sa kanilang katapatan."
Ang Pag-aani
14 Tumingin uli ako, at nakita ko naman ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng Anak ng Tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. 15Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo at malakas na nagsalita sa nakaupo sa ulap, "Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!" 16Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas ang dapat anihin sa lupa.
17 At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. 18 Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, "Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!" 19 Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan. Ang pisaang ito ay larawan ng matinding poot ng Diyos. 20 Pinisa sa labas ng bayan ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang 300 kilometro, at ang lalim ay sintaas ng sa nguso ng kabayo.
Pahayag 15: 1-8
Ang mga Panghuling Salot
1 Nakita ko rin ang isa pang kagila- gilalas na pangitain sa langit: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos.
2 May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero;
"Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa,
matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa,
matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
4 Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
at sasamba sa iyo,
sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa."
Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
at sasamba sa iyo,
sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa."
5 Pagkatapos nito'y nakita ko ring bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan ng Diyos at ng tao. 6 Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na malinis at nakakasilaw sa kaputian na may gintong pamigkis sa dibdib. 7Ibinigay sa kanila ng isa sa apat na nilalang na buhay ang pitong mangkok na ginto na punung-puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. 8 Ang templo ay napuno ng usok na nagmumula sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos at walang makapasok sa templo hangga't hindi natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.
Pahayag 16: 1-21
Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos
1 Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, "Lumakad na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos."
2 At umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. Kaya't nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang nabubuhay sa dagat.
4 Ibinuhos naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. 5 At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig,
"Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal,
sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito.
6 Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta
ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!"
ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin.
Iyan ang nararapat sa kanila!"
7 At narinig ko mula sa dambana ang ganitong pananalita,
"Oo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!"
"Oo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!"
8 At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang sunugin ang mga tao sa tindi ng init nito. 9 Nasunog nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot.
10 Ibinuhos naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao, 11 at nilapastangan nila ang Diyos dahil sa dinaranas nilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain.
12 At ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog at nagkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan. 13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, at ng halimaw, at ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. 14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 "Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Mapalad ang nanatiling gising at nakabihis na. Hindi siya lalakad na hubad at di mapapahiya sa harap ng mga tao!"
16 At ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.
17 Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, "Naganap na!" 18Kumidlat, kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. 19 Nahati sa tatlong bahagi ang malaking lunsod, at nawasak ang lahat ng lunsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot. 20 Nawala ang lahat ng pulo at gumuho ang lahat ng bundok. 21 Umulan ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos limampung kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na dinaranas nila.
Pahayag 17: 1-18
Ang Reyna ng Kahalayan
1 Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, "Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming ilog. 2 Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan."
3 Noon ay nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang lahat ng paglapastangan sa Diyos. 4 Ang damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. 5 Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, "Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa." 6 At nakita kong ang babaing ito'y lasing sa dugo ng mga hinirang at ng mga martir, ang mga pinatay dahil kay Jesus.
Nanggilalas ako nang makita ko siya. 7 "Bakit ka nanggilalas?" tanong sa akin ng anghel. "Sasabihin ko sa iyo ang kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buhay noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa banging napakalalim at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay magugulat kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw.
9 "Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Inilalarawan din nito ang pitong hari: 10 bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. 11 At ang halimaw na buhay noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay mapapahamak.
12 "Ang sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit mamamahala silang kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. 13 Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. 14 Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit sila'y matatalo nito, sapagkat ito ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod."
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, "Ang nakita mong mga ilog na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. 16 Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwanan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira. 17 Niloob ng Diyos na sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang karapatan at kapangyarihan, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lunsod na sinusunod ng mga hari sa lupa."
Pahayag 18: 1-24
Ang Pagbagsak ng Babilonia
1 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. 2 Ubos-lakas siyang sumigaw, "Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay tahanan na lamang siya ng mga demonyo, bilangguan ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. 3 Sapagkat pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay."
4 Narinig ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,
"Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
upang hindi ka maparusahang kasama niya!
Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
upang hindi ka maparusahang kasama niya!
5 Sapagkat abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
6 Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa inyo,
gumanti kayo nang higit pa sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa inyo.
gumanti kayo nang higit pa sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa inyo.
7 Kung paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
'Reyna akong tinatanghal!
Hindi ako biyuda,
hindi ako daranas ng kasawian kailanman!'
palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
'Reyna akong tinatanghal!
Hindi ako biyuda,
hindi ako daranas ng kasawian kailanman!'
8 Dahil dito, sabay-sabay na daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya."
sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya."
9 Tatangis at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lunsod. 10 Tatayo lang sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, "Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang matatag na lunsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa dakila at makapangyarihang lunsod ng Babilonia!"
11 Dahil sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. 12 Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga linen, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. 13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at pati buhay ng tao. 14 "Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay napahamak kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!" 15 Hindi lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lunsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. 16 Sasabihin nila, "Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lunsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! 17 Sa loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!"
Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nabubuhay sa pagdaragat, 18 at tinangisan nila ang nasusunog na lunsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, "Walang katulad ang katanyagan ng lunsod na iyon!" 19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, "Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lunsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!"
20 Magalak ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!
21 Isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato. Ubos-lakas niyang inihagis iyon sa dagat, at sinabi, "Ganito ibabagsak ang tanyag na lunsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! 22 Hindi na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga dalubhasa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! 23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam."
24 Pinarusahan siya sapagkat pinadanak niya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa sanlibutan.
Pahayag 19: 1-21
1 Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, "Purihin ang Panginoon! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! 2 Matuwid at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpapasama sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!" 3 Muli silang umawit, "Purihin ang Panginoon! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lunsod!" 4 Ang dalawampu't apat na pinuno at ang apat na nilalang na buhay ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, "Amen! Purihin ang Panginoon!"
Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero
5 May nagsalita mula sa trono, "Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!" 6 Pagkatapos ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng malaking talon at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, "Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat nalalapit na ang kasal ng Kordero. Nakahanda na ang kasintahang babae; 8 nabihisan na siya ng malinis at puting-puting lino." Ang lino ay sagisag ng mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.
9 At sinabi sa akin ng anghel, "Isulat mo ito: mapalad ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero." Idinugtong pa niya, "Ito ay tunay na mga salita ng Diyos."
10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, "Huwag! Ako ma'y alipin ding tulad mo at tulad ng ibang mga mananampalatayang nagpatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang katotohanang ipinahayag ni Jesus ay siyang diwa ng lahat ng ipinahayag ng mga propeta!"
Ang Nakasakay sa Kabayong Puti
11 Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at napuputungan siya ng maraming korona. Nakasulat sa kanyang katawan ang pangalan niya, ngunit siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan niyon. 13Puno ng dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay "Salita ng Diyos." 14 Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. 15 May matalim na tabak na lumabas sa kanyang bibig upang gamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: "Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon."
17 Nakita ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Tinawag niya ang mga ibon sa himpapawid, "Halikayo, at magkatipon sa malaking handaan ng Diyos! 18 Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!"
19 At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. 20 Nabihag ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buhay sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. 21 Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay.
Pahayag 20: 1-15
Ang Sanlibong Taon
1 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng bangin na walang kasing-lalim. 2 Sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong taon. 3 Ito'y inihagis ng anghel sa bangin na walang kasing-lalim, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.
4 At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. 5 Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay bubuhayin din pagkaraan ng sanlibong taon. 6 Mapalad at lubos na pinagpala ang mga nakasama sa unang pagbuhay sa mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.
Ang Pagkatalo ni Satanas
7 Pagkatapos ng sanlibong taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. 8 Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito at isasama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay magiging sindami ng buhangin sa tabing-dagat. 9 Kumalat sila sa buong mundo at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lunsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa da- gat na apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta; magkakasama silang pahihirapan, araw at gabi, magpakailanman.
Ang Huling Paghuhukom
11 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at ng daigdig ng mga patay ang mga nakalagak sa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang daigdig ng mga patay. Ang lawa ng apoy ay ang pangalawang kamatayan. 15 Itinapon sa lawa ng apoy ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay.
Pahayag 21: 1-27
Ang Bagong Langit at ang Bagong Daigdig
1 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong daigdig. Wala na ang dating langit at daigdig, wala na rin ang dagat. 2 At nakita ko ang Banal na Lunsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Maganda ang bihis at handa na siya sa pagsalubong sa lalaking kanyang mapapangasawa. 3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, "Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nilang palagi ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. 4 At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pag- tangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay."
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, "Pagmasdan ninyo, binabago ko na ang lahat ng bagay!" At sinabi niya sa akin, "Isulat mo, maaasahan at totoo ang mga salitang ito." 6Sinabi pa rin niya sa akin, "Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ng tubig na walang bayad na mula sa bukal na nagbibigay-buhay; 7 ito ang makakamtan ng magtatagumpay. At ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. 8 Subalit malagim ang kasasapitan ng mga duwag, ng mga taksil, ng mga nagpapasasa sa kasuklam-suklam na kahalayan, ng mga mamamatay-tao, ng mga nakikiapid, ng mga mangkukulam, ng mga sumasamba sa diyus-diyosan, at lahat ng mga sinungaling. Ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na asupre. Ito ang pangalawang kamatayan."
Ang Bagong Jerusalem
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, "Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero." 10 Napasailalim ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lunsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, ng diamanteng sinlinaw ng kristal. 12Ang pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang pinto, at sa bawat pinto ay may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lunsod ay may labindalawang pundasyon at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
15 Ang anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lunsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lunsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lunsod, at ang lumabas na sukat ng lunsod ay 2,400 kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong jasper ang pader, at ang lunsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay puno ng lahat ng uri ng mahahalagang bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lunsod at kumikinang na parang kristal.
22 Napansin ko na walang templo sa lunsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lunsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon; ang Kordero naman ang siyang ilawan. 24 Sa liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Mananatiling bukas sa buong maghapon ang mga pinto ng lunsod sapagkat hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lunsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos. Ito'y ang mga gumagawa ng masama at ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang siyang makakapasok sa lunsod.
Pahayag 22: 1-21
1 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 at umaagos sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito'y iba-iba bawat buwan, at nakapagpapagaling naman sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. 3 Wala roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.
Makikita sa lunsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at masusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. 5 Doo'y wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilaw o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman.
Ang Pagdating ni Jesus
6 At sinabi sa akin ng anghel, "Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoong Diyos, na nagkaloob ng kanyang Espiritu sa mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon."
7 At sinabi ni Jesus, "Makinig kayo! Darating na ako! Mapalad ang tumutupad sa mga propesiya na nilalaman ng aklat na ito!"
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. 9 Ngunit sinabi niya, "Huwag! Ako ma'y alipin ding tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!"
10 At sinabi rin niya sa akin, "Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. 11 Magpatuloy sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang mabubuti ay magpatuloy sa pagpapakabuti at ang banal sa pagpapakabanal."
12 At sinabi ni Jesus, "Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas."
14 Mapapalad ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lunsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Subalit maiiwan sa labas ng lunsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga sinungaling sa salita at sa gawa.
16 "Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako'y mula sa angkan ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga."
17 Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal, "Halikayo!"
Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, "Halikayo!"
Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.
Pagwawakas
18 Akong si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito; ang sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay daragdagan ng Diyos ng parusa; idaragdag sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. 19 Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga propesiyang naririto ay aalisan naman ng Diyos ng karapatan sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lunsod na binabanggit dito.
20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, "Tiyak na nga! Darating na ako!"
Sana'y dumating ka na, Panginoong Jesus!
21 Nawa'y makamtan ng lahat a ang pagpapala ng Panginoong Jesus.
Amen.
No comments:
Post a Comment